SPORTS COLUMN: Pipiliin mo rin ba ang Pilipinas?

philippine women's national football team during the 2023 fifa women's world cup
PHOTO: Pilipinas WNT/Instagram
Eliminated na ang Philippine women's national football team (PWNFT) sa 2023 FIFA Women's World Cup. Nagtapos sa kamay ng Norway ang pangarap ng bansa na umabante sa susunod round. Pero teka, naniwala tayong makalulusot ang Filipinas sa group stage?
Sino ba naman kasing mag-aakala na mananalo tayo kahit isang laro sa World Cup? Lowest ranked team sa Group A tapos ang host New Zealand pa ang tinalo ng Pilipinas. Dahil dito, nagkaroon ng tsansa na makapasok sa Round of 16 ang Filipinas na overachievement kung nangyari.
Kaya lang, sobrang lakas ng Norway para sa Pilipinas. Hindi sila nasabayan ng ating mga manlalaro. Tinibag nila ang depensa ng koponan na nagsalba rito sa unang dalawang laro. Ipinakita sa atin ng Norwegians na ganito ang world stage. Malakas kami, mahina kayo. Totoong malayo na nga ang ating narating pero malayo pa tayo sa pagiging kampeon.
Sa kabila nito, alam kong naging proud kayo sa kung anumang nakamit ng PWNFT. Nakita niyo kasi na sa pagsusumikap at pagsusunog ng kilay, may mapapala tayo. Kahit mahirap ang proseso pero kung gusto natin ang isang bagay, paghihirapan mo ito.
Malayo pa pero malayo na. Ganitong-ganito ang Filipinas natin.
Hindi matunog sa mga Pilipino ang football. Basketball, volleyball, boxing, at pageantry ang bukambibig ng mayorya. Ganito man ang sitwasyon, buong tapang at giting na nirepresenta ng Filipinas ang ating bansa sa pandaigdigang entablado. Binitbit nila ang pangarap ng masa na hangad ang kaginhawaan sa buhay matapos dumiskarte at magbanat ng buto para may maiuwi sa pamilya.
Sa nakalipas na 18 buwan, isinama tayo ng Filipinas sa kanilang paglalakbay sa iba't ibang panig ng mundo. Nasaksihan natin kung paano sila lumusot sa butas ng karayom para mag-qualify sa World Cup, tapusin ang halos 40 taon pagkauhaw ng bansa sa medalya sa SEA Games, at mapanalunan ang kauna-unahang AFF Women's Championship title ng Pilipinas.
Hindi ito maisasakatuparan kung walang pagsasakripisyo ang mga manlalaro, gayundin si coach Alen Stajcic, kaniyang coaching staff, at ang Philippine Football Federation (PFF). Tinuruan nila tayong maniwala sa ating mga pangarap at lumaban para makamtan ang mga ito.
Hulyo 2023 naman ng ipakilala nila ang puso ng Pinoy sa football. Hindi nila tayo binigo. Niyanig ng Filipinas ang mundo. Sa harap ng mga banyaga, hindi nagpatinag ang lahing kayumanggi. Sa kanilang gilas at husay, napukaw ng Pilipinas ang atensiyon ng mundo at nakuha ang respeto ng mga dayuhan.
Nagwakas man ang ating impresibong kampanya ngayon, hindi naman maitatanggi ang naging kontribusyon ng Filipinas sa kung papaano titingnan ang kinabukasan.
Lumaban ang Filipinas gaya ng ating mga ninuno sa harap ng diskriminasyon dahil sa kanilang kulay at hitsura. Nagsakripisyo sila para sa Inang Bayan tulad nina Dr. Jose Rizal, Andres Bonifacio, at iba pang bayaning Pilipino. Pinili nila ang lupang sinilangan kahit na walang katiyakan ang karera nila rito.
Nawa'y natutunan natin sa kanila na mahalin ang bayan sa kabila ng mga pagsubok na dinaranas nito. Hindi ko naman kayo pipilitin. Nasa inyo pa rin ang huling desisyon. Pero gaya ng Filipinas, pipiliin mo rin ba ang Pilipinas?

Last Modified: 2024-Jul-15 10:41