Bagong halal na kapitan, pinagbabaril sa Nueva Vizcaya
2024-Apr-19 15:43
Hindi na umabot pa ng buhay nang isugod sa ospital ang isang bagong halal na kapitan matapos ito pagbabarilin ng hindi pa matukoy na suspek, dakong alas sais kuwarenta y singko (6:45PM) ng gabi sa Purok 3, Calitlitan, Aritao, Nueva Vizcaya.
Sa ulat ng PNP tinukoy ang biktima na si Rolando Hipolito Serapon, 76 taong gulang, bagong halal na Barangay Chairman at residente ng Purok 3, Brgy. Calitlitan, Aritao, Nueva Vizcaya na pinagbabaril ng hindi pa matukoy na pagkakakilanlan ng isang lalake na nakasuot ng itim na short pants na may puting guhit, itim na t-shirt, berdeng face mask, at may katamtamang pangangatawan na mabilis na tumakas lulan ng isang motorsiklo.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng PNP, nasa loob umano ng kanilang bahay ang biktima nang biglang dumating ang suspek at bigla na lamang itong pinaputukan ng baril ng ilang beses at saka ito mabilis na tumakas patungo sa Hilagang direksiyon.
Nagtamo ng malubhang tama ng bala sa iba't ibang parte ng katawan ang biktima at agad namang naisugod sa Nueva Vizcaya Provincial Hospital sa bayan ng Bambang, Nueva Vizcaya NVPH, subalit binawian din ito ng buhay.
Isinagawa na ng SOCO ang imbestigasyon at pagsusuri sa pinangyarihan ng krimen, habang patuloy naman ang dragnet operation ng mga otoridad at pagkalap ng mga ebidensiya sa posisyon ng mga cctv sa lugar at mga katabing lugar nito para sa posibleng pagkakakilanlan ng suspek. (Adelius Ceasar Seva | Radyo Natin Bayombong)