Miss Universe 2023 campaign ni Michelle Dee, nagtapos sa Top 10

Miss Philippines Michelle Dee during Miss Universe 2023
Miss Philippines Michelle Dee sa kanyang opening dress (kaliwa), evening gown (gitna), at swimsuit (kanan) sa Miss Universe 2023. PHOTOS: Missosology
Hindi na nakasalang pa sa Q&A portion ng 72nd Miss Universe ang pambato ng Pilipinas na si Michelle Dee nang mabigong makapasok sa Top 5 nitong Linggo, November 19, 2023 (Manila time), sa El Salvador.
Tinapos ni Michelle ang kampanya ng bansa sa pinakaengrandeng beauty pageant sa mundo sa Top 10.
Noong 2022, bigong umabante sa semifinals ng kompetisyon si Celeste Cortesi na nagwakas sa 12-year streak ng bansa sa pag-usad mula sa initial round.
Kasama ng 28-year-old beauty queen mula Makati na nalaglag sa semis ang representatives ng Peru, Venezuela, Spain, at host El Salvador.
Pasok naman sa final five na sasalang sa question and answer segment ang mga reyna mula Thailand, Nicaragua, Puerto Rico, Australia, at Colombia.
Hindi man pinalad na makaabante sa susunod na yugto ng coronation night, nagwagi naman ng special awards si Michelle.
Isa siya sa gold winners ng "Voice for Change" category ng Miss U 2023 na nasungkit din nina Miss Angola Ana Coimbra at Miss Puerto Rico Karla GuilfĂș.
Nakapokus ang adbokasiya ni Michelle, anak nina Miss International 1979 winner Melanie Marquez at businessman Frederick Dee, sa autism acceptance, inclusivity, at empowerment. Naging inspirasyon niya para rito ang dalawa niyang kapatid na may ganitong kondisyon.
Makatatanggap siya ng $12,000 para sa nasabing special award.
Napalunan din ni Michelle ang Spirit of Carnival Award na iginawad ng pageant sponsor na Carnival Cruises.
Sa ngayon, sina Gloria Diaz (1969), Margie Moran (1973), Pia Wurtzbach (2015), at Catriona Gray (2018) pa lamang ang mga kandidata mula Pilipinas na nakapag-uwi sa korona ng Miss Universe.

Last Modified: 2023-Nov-20 12:41