Kakulangan sa patubig ngayong dry season, problema ng maraming magsasaka sa Nueva Ecija

PHOTO: Oliver Marquez/Philippine News Agency
Isa ang Guimba sa siyam na bayan sa lalawigan ng Nueva Ecija na lubhang maapektuhan ng kakulangan sa patubig na makatutulong sana para maibsan ang epekto ng dry season o tagtuyot.
Mula sa kabuuang 16,241.61 hektaryang taniman sa Guimba, 6,379.44 lamang sa mga ito ang mapapaabutan ng irigasyon ng National Irrigation Administration-Upper Pampanga River Integrated Irrigation Systems (NIA-UPRIIS).
Limitado lamang ang maaaring pakawalang tubig ng NIA-UPRIIS sa irrigation canals patungong bukid dahil may sinusunod na rotation scheme ang ahensya.
Sa ulat ng Radyo Natin Guimba, dahil sa ganitong sistema, nagkakaroon ng awayan sa pagitan ng magsasaka na dulot ng agawan sa tubig.
Sa katunayan, ilang kaso na ang naitala na may kaugnayan sa alitan sa patubig, kabilang ang pasipsip at paglalagay ng sandbag sa mismong irrigation canal para i-divert ang tubig.
Napipilitan na ring gumamit ng bombang patubig ang mga magsasaka para suportahan ang irigasyon ng NIA ngunit umaangal naman sila sa mataas na presyo ng krudo.
Isa ang magsasakang si Cris Marzan ng Barangay San Roque na gumagastos ng 10,000 pesos para lang mapatubigan ang kaniyang mga tanim. Ayon sa kaniya, nakaubos na siya ng 10 diesel containers na katumbas ng isang drum simula nang gumayak sa bukid.
Bagamat tinaguriang number one rice producing municipality sa Nueva Ecija at sa Pilipinas, isa ang limitadong irigasyon sa mga problemang kinahaharap ng mga magsasaka sa Guimba.
Sa datos ng NIA-UPRIIS sa Divisions 5 at 6 na nakakasakop sa Guimba, nasa 15,000 lamang mula sa 38,000 hektarya ang hindi kayang abutin ng irigasyon na magmumula sa Pantabangan Dam.
Maliban sa Guimba, apektado rin ng tagtuyot ang Nampicuan, Talugtug, Licab, Llanera, Munoz, Rizal at San Jose City sa Nueva Ecija habang Victoria, Ramos, at Anao naman sa Tarlac ang makararanas ng matindi nitong epekto. (Ulat ni Gie Herrera/105.3 Radyo Natin Guimba)

Last Modified: 2024-Apr-19 15:36