9 hayop, ibinalik sa kanilang natural na tahanan sa Camarines Sur, Camarines Norte

Screenshot taken from actual footage
Tagumpay na nakabalik sa kani-kanilang natural habitat ang 9 hayop na pinakawalan sa Camarines Sur at Camarines Norte nitong Huwebes, Enero 9.
Kinabibilangan ng limang agila, tatlong unggoy, at isang night heron ang mga hayop na muling makapamumuhay sa natural nilang mga tahanan matapos mamalagi ng halos limang taon sa Farmer Bufallo's Villa and Resort sa Barangay Bigajo Sur sa bayan ng Libmanan sa Camarines Sur.
Pag-aari ni Nieva Miraflor Howes ang naturang villa and resort na nag-iisang rescue center ng wild animals na may pahintulot ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region 5.
Unang pinakawalan sa Cabusao Wetland Ecotourism and Conservation Center sa Barangay Biong sa Cabusao, Camarines Sur ang night heron pasado alas-nuwebe ng umaga.
Bandang 10:45 naman nang pakawalan sa Bicol Natural Park sa Basud, Camarines Norte ang limang agila kasunod ang tatlong unggoy. (Elyjazz Balbin/90.9 Radyo Natin Laoang)

Last Modified: 2025-Jan-29 03:09