3 suspek sa pagpatay, pagnanakaw sa dentista sa Calapan City, hawak na ng pulisya
2024-Jan-22 14:00
2025-Jan-26 04:53

(Noel Alamar/Mayor Malou Flores-Morillo)
Tatlong katao, kabilang ang dalawang menor de edad, na suspek sa pagpatay sa kilalang dentista at kagawad ng Barangay San Vicente Central sa Calapan City, Oriental Mindoro na si Dr. Augustine Bolor Jr. o Dok Ting ang nasa kustodiya na ngayon ng kapulisan.
Unang sumuko sa awtoridad ang suspek na 15 taong gulang sa tulong ni City Prosecutor Dorina Joya na tinawagan ng guardian nito, ayon Col. Samuel Delorino, provincial director ng Oriental Mindoro Police Provincial Office.
Pinuntahan agad nina Prosecutor Joya at Lt. Col. Danilo Driz Jr., hepe ng Calapan City Police ang bahay ng suspek noong gabi ng Enero 19 at doon isinuko ng kaniyang guardian at isinauli ang mga alahas na ninakaw kay Bolor.
Mula rito, itinuro rin ng unang suspek ang dalawa pa niyang kasamahan nang gabing pinasok nila ang bahay ni Dok Ting sa Brgy. San Vicente Central.
Natagpuang hindi na humihinga ang biktima bandang 8:30 ng umaga noong January 14 ng kaniyang kapatid na si Cristeta Magundayao na tatawagin sana siya para mag-almusal.
Nagtamo ng 50 saksak sa iba't ibang parte ng katawan ang biktima. (Jerry Alcayde/96.9 Radyo Natin Calapan)