Pinsala ng El Niño sa pagsasaka sa Occidental Mindoro, higit P15-M na

PHOTO: Philippine Rice Research Institute
Pangunahing napinsala ng nararanasang tagtuyot ngayon sa naturang lalawigan sa Mimaropa ang high value crops.
Kabilang na rito ang munggo, mani, at sibuyas sa mga bayan ng San Jose, Calintaan, at Sablayan, ayon sa ulat ni Provincial Agriculturist Engr. Alrizza Zubiri sa virtual meeting ng PDRRMC nitong Pebrero 28.
Umabot sa P10,924,177.45 ang naitalang pinsala sa mga taniman ng sibuyas sa San Jose, habang P1.9 milyon naman ang nasira sa Sablayan. Sa Calintaan, P2.5 milyong halaga naman ng pananim na munggo ang naapektuhan.
Batay sa datos ng Office of the Provincial agriculture (OPAg), apektado ng El Niño ang kabuhayan ng 1,046 magsasaka mula sa tatlong nabanggit na bayan.
Upang matulungan ang mga apektadong magsasaka, mamahagi ng pamahalaang panlalawigan ng mga binhi na magagamit sa wet season.
Sa ganitong paraan, makababawi umano sila sa pagkalugi.
Nauna nang nakatanggap ng tulong mula sa DSWD at DOLE ang mga apektadong magsasaka. (Ulat ni Brenda Valera/101.7 Radyo Natin San Jose, Occidental Mindoro)

Last Modified: 2024-Mar-01 10:24