'Selosang' live-in partner ng tsuper ng dyip, nireklamo sa Camarines Sur

Jonnalyn Valencia (left) and Mistica Lozarte (right) Screenshot taken from actual footage obtained by Libmanan News Online
Dumulog sa kinauukulan ang college student na si Jonnalyn Valencia upang ireklamo ang naranasang verbal abuse sa kamay ng kinakasama ng jeepney driver na si alyas "Nonoy".
Nakilala ang inireklamong babaeng si Mistica Lozarte na pinagsalitaan ng hindi maganda si Valencia nitong Marso 11 habang sakay ng pinapasadang dyip ni Nonoy.
Kuwento ni Valencia, papasok na siya sa Governor Mariano E. Villafuerte Community College sa bayan ng Libmanan sa Camarines Sur habang sakay ng dyip ni Nonoy bandang 1:30 ng hapon.
Sumakay naman si Lozarte sa Barangay San Vicente sa munisipalidad ng Pamplona at agad nitong binanatan ng masasakit na salita ang walang kamalay-malay na kolehiyala.
Hindi man lang aniya sinaway ni Nonoy si Lozarte at hinayaan lamang siyang kutyain nito, dagdag pa ng dalaga.
Sa panayam ng Libmanan News Online kay Libtrasco Cooperative President Marino Traballo, pinatawag na nila si Nonoy para pagsabihan.
Hindi pala ito ang unang pagkakataon na nareklamo si Nonoy dahil sa asal ng kaniyang kinakasamang nagseselos sa sinumang babaeng tumatabi rito.
Wika pa ni Traballo, maaaring masuspende o tanggalin sa nasabing kooperatiba si Nonoy oras na hindi nito mapagsabihang huwag nang sumama si Lozarte sa kaniyang mga biyahe.
Sa kasalukuyan, wala pang pahayag si Lozarte ukol sa isyu. (Ulat ni Elyjazz Balbin/90.9 Radyo Natin Laoang)

Last Modified: 2024-Mar-14 10:00