7th HERO Golf Cup, tagumpay! Nasa 100 golfers, lumahok!
2024-Mar-19 14:00
Good news, kapartners! Matagumpay na naidaos nitong Marso 8 sa Camp Aguinaldo Golf Course ang 7th HERO Golf Cup 2024: A Golf Tournament for the Education of the Children of Our Fallen Soldiers.
Alam nyo bang halos 100 golfers ang nakiisa sa charity event na mapupunta ang lahat ng kinita sa pag-aaral ng mga anak at kapatid ng mga sundalong Pilipinong namatay o nabaldado dahil sa mga labanan o disaster relief operations.
Sa kasalukuyan, suportado ng HERO (Help Educate and Rear Orphans) Foundation, Inc. ang 232 scholars sa buong Pilipinas.
Galing sa Mindanao ang 45% ng mga batang sinusuportahan nila habang 37% naman sa Luzon, 11% sa Visayas, at pitong porsyento sa National Capital Region (NCR).
Simula nang maitatag noong 1988, naging kaakibat na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagtulong sa mga ulilang anak ng mga sundalo ang HERO Foundation at nakapagpatapos na ng 2,733 scholars.
Kinilalang overall champion ng HERO Golf Cup ngayong taon si Jingy Tuazon habang inuwi naman ni Theresa Perez ang Ladies Championship.
Pinasinayaan nina HERO Board of Trustee Michael Tan, Rocky Nazareno, Aubrey Carlson, Col. Ariel Querubin, Lt. Gen. Charlton Gaerlan, at Aniceto Bisnar Jr. Sinaksihan din nina HERO Foundation executive director at retired major general Victor Bayani.
Naging katuwang ng HERO Foundation sa pagdaraos ng kanilang HERO Golf Cup ang MBC Media Group, na kinabibilangan ng Radyo Natin Nationwide, bilang media partner nito.
Maraming salamat kapartners sa pagiging bayani ng ating real-life heroes! See you sa susunod na HERO Golf Cup!