Bagong solar-powered water system, pinasinayaan sa Albay
2024-Apr-15 12:00
Binuksan na ang level 2 water system na mapagkukunan ng inuming tubig sa Tiwi Agro Industrial School sa Tiwi nitong Abril 12.
Sa panayam ng Radyo Natin Tiwi kay Cong. Jil Bongalon ng Ako Bicol, sinabi nitong malaki ang magiging pakinabang ng mga residente ng nasabing komunidad at mga karatig-lugar sa proyekto dahil bukas ito 24 oras at hindi gumagamit ng kuryente mula sa electric grid.
Ang naturang water system ay binubuo ng 16 solar panels na mayroong 450 watts kada isa na magagamit sa pag-pump at pagsala sa tubig para ligtas na mainom. Tinatayang nasa 50,000 litrong suplay ng tubig ang maaaring makuha mula rito araw-araw.
Sa kasalukuyan, nasa 400 water systems na ang naipatayo sa Bicol Region na layong paigtingin ang pagbibigay serbisyo sa mga komunidad na walang access sa malinis na tubig. (Ulat ni Rhoniel Ron Guerina Llagas/Radyo Natin Tiwi, Albay)