Canadian vlogger na ibinida ang Pilipinas sa mundo, Pinoy na ngayon!

PILIPINO AKO. Nanumpa ng kaniyang pagka-Pilipino si dating Canadian Kyle "Kulas" Jennerman, also known as BecomingFilipino kay Biñan City, Laguna Congresswoman Len Alonte sa House of Representatives. PHOTO: BecomingFilipino/Facebook
Isang ganap na Pilipino na si Kyle Jennerman, mas kilala bilang "Kulas" at may-ari ng YouTube channel na "BecomingFilipino", matapos ang kaniyang Oath of Allegiance sa Pilipinas na ginanap sa House of Representatives nitong Miyerkules, Setyembre 13.
Noong Mayo 29, 2023, inaprubahan ng Senado ang House Bill No. 7185 na naglalayong gawing isang tunay na mamamayan ng bansang Pilipinas si Kulas dahil na rin sa mga kontribusyon nito sa panghihimok sa kapwa banyaga mula sa iba't ibang panig ng mundo na bisitahin ang bansa.
"Kulas has dedicated his YouTube channel, Becoming Filipino, to feature the Philippines' natural beauty and promote the country's culture and identity to the world. He travelled by scooter to a total of 80 provinces, actually more provinces than I have visited myself, and I have been a senator for many years, documenting his experiences and interactions and sharing them through his vlogs," ani HB 7185 co-sponsor Senador Juan Miguel "Migz" Zubiri sa press release ukol sa naturalization ni Kulas.
Ayon naman sa kapwa senador ni Zubiri at principal sponsor ng HB 7185 na si Francis "Tol" Tolentino, hindi lamang ipinagmalaki ni Kulas ang ganda ng Pilipinas sa mundo kundi tumulong din sa mga Pilipino sa oras ng pangangailangan.
"This just shows that being a Filipino does not always mean that you are born a citizen of the Philippines. Sometimes, embodying Filipino culture and values is enough to make you a Filipino," saad ni Tolentino sa parehas na press release.
Iniwanan ni Kulas ang kaniyang pagiging guro sa Hong Kong para tumulong sa mga nasalanta ng mapaminsalang Bagyong Yolanda noong 2013. Isa siya sa mga nasa likod ng One Tacloban na nangalap ng donasyon para sa mga nasalanta sa Tacloban.
Nanguna rin siya sa relief operations sa Dinagat Islands na matinding napinsala ng Typhoon Odette, gayundin sa Upi sa Maguindanao na sinalanta ng Typhoon Paeng.
Nagsilbi ring co-sponsors ng HB 7185 sina Ronald "Bato" Dela Rosa at Sonny Angara.

Kulas: 'I have officially become a Filipino'

Sina Biñan City, Laguna Congresswoman Len Alonte (kaliwa) at Kulas (Kanan). PHOTO: BecomingFilipino/Facebook
Ikinuwento ni Kulas ang panunumpa niya sa bansa sa isang post sa kaniyang Facebook page.
"I HAVE OFFICIALLY BECOME A FILIPINO," ani ng 34 taong gulang na dating Canadian citizen.
Nagpasalamat si Jennerman sa lahat ng naging bahagi ng kaniyang paglalakbay na aniya'y nagsisimula pa lamang.
"First and foremost I'd like to thank everyone for being a part of this journey…which has only just begun. Today marks the beginning of the most important part of my life. I am ready for this. I am filled with belief, inspiration, gratefulness, and love," ani Kulas.
"One day at a time…Kaya pa," dagdag pa niya.
Si Biñan City, Laguna Congresswoman Len Alonte ang nangasiwa sa oath taking ni Kulas.
"I am so grateful today that Congresswoman Len Alonte from Biñan Laguna administered my Oath. As principal author of the first House Bill…it meant so much to me. This past few years has been the most incredible journey," saad ni Kulas sa kaniyang post.
"I am grateful to everyone across the country, and both in Congress and Senate, who not only supported me…but inspired so much belief within me."
Bandang katapusan ng Mayo 2023 nang pagtibayin ng Senado 'unanimously' ang HB 7185 na naging daan upang makamit ni Kulas ang kaniyang Filipino citizenship.
Matapos ang apat na buwang paghihintay, naging ganap na Pilipino na ang dating turista ng bansa.
Sa kuwento ni Kulas sa panayam sa PhilSTAR L!fe, binisita niya noong 2013 ang Pilipinas 'out of curiosity' at dahil na rin sa panghihikayat ng kaniyang mga kasamahang Pinoy.
Ayon sa kaniya, dito nagsimulang umusbong ang pagmamahal niya sa bansang tinaguriang "Perlas ng Silangan".
Sa katunayan, iniwan niya ang kaniyang pagiging guro sa Hong Kong para tumulong sa mga nasalanta ng mapaminsalang Bagyong Yolanda noong 2013.
Naging full-time YouTube content creator si Kulas sa kaniyang channel na BecomingFilipino kung saan ibinahagi niya ang mga naging karanasan sa pakikisalamuha sa mga Pilipino.

Last Modified: 2024-Aug-08 14:15